Patikim naman ng batchoy! Iloilo City, kauna-unahang lungsod sa Pilipinas na nakasama sa Creative Cities Network ng UNESCO para sa gastronomy

Kilala ang Iloilo City sa mga masasarap na pagkain nito gaya ng batchoy, pinasugbo, at biscocho

Pinangalanan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang Iloilo City na unang siyudad sa Pilipinas na nakasali sa Creative Cities Network (CUCN) nito sa larangan ng gastronomy.

Kabilang ang Iloilo sa bagong 55 na lungsod na nakasali sa UCCN. Kinilala ang lungsod para sa kanilang “strong commitment to harnessing culture and creativity as part of their development strategies, and displaying innovative practices in human-centered urban planning.”

Inanunsyo ito ng UNESCO noong Martes, Oktubre 31, na siya namang World Cities Day.

“The cities in our Creative Cities Network are leading the way when it comes to enhancing access to culture and galvanizing the power of creativity for urban resilience and development,” paliwanag ni UNESCO Director-General Audrey Azoulay.

Ikinatuwa naman ito ni Iloilo City mayor Jerry Treñas, lalo pa’t isa ito sa mga bagong parangal na nakuha ng siyudad.

“I am very happy for the recent wins of the city — Most Business-Friendly Highly Urbanized City outside NCR from the PCCI National, and the UNESCO Creative City for Gastronomy — the only city in the Philippines,” sabi niya sa isang Facebook post.

“These awards are results of teamwork of our hardworking city officials and employees and consultants.”

Sa kasalukuyan, mayroong 350 na lungsod sa higit sa isandaang bansa ang UCCN.