Pati banyagang kriminal, Pilipinas na rin ang playground! Puganteng Taiwanese, nahulihan ng mga pekeng government ID; bentahan nito, talamak sa social media

Napag-alaman ng AKBExpress na talamak sa social media ang bentahan ng mga pekeng ID, na magagamit diumano sa mga transaksiyon gaya ng GCash verification at pagkuha ng pera sa mga remittance center.

Isang Taiwanese na naaresto nitong linggo dahil sa pagiging scammer ay posibleng maharap rin sa reklamong falsification of public documents matapos itong mahulihan rin ng mga pekeng government ID gaya ng driver’s license, postal ID, at UMID.

“Mukha talaga siyang valid actually. Kaya siguro ginamit nila ito at siguro gumana siya when presenting it to certain people,” sabi ni Justice department spokesperson Mico Clavano sa mga ID na nakumpiska mula sa Taiwanese.

Kaugnay niyan, napag-alaman ng AKBExpress na talamak ang bentahan ng mga pekeng ID sa social media.

Sa katunayan, lantarang inaalok ang mga pekeng ID, na minsan ay tinatawag ng mga kawatan na “show ID.” Ito ay dahil magagamit raw ito para sa mga transaksiyong nangangailangang ng valid ID, gaya ng verification sa Gcash, pagbubukas ng bank account, at pagkuha ng pera mula sa mga remittance center.

Karaniwang nakikita ng AKBExpress ang pag-aalok ng mga pekeng ID sa mga Facebook Groups.