Patay-sinding suplay ng kuryente, posible umanong dahilan ng sunog sa isang bahay sa Polangui, Albay

Nasunog ang bahay ng isang 70-anyos na ginang na kasalukuyang kinukupkop ng kanyang kaanak sa Polangui

ALBAY – Pasado alas-11:00 ng gabi nitong Linggo, September 17, 2023 nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Barangay Maynaga, bayan ng Polangui.

Kinilala ang may-ari ng nasunog na bahay na si Trinidad Borromeo, 70-anyos na pansamantalang kinukupkop ngayon ng kaniyang mga kaanak.

Sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Polangui, posible raw na ang patay-sinding suplay ng kuryente sa lugar ang pinagmulan ng sunog.

Ayon pa sa pinuno ng Municipal Intelligence and Investigation Unit ng naturang istasyon na si Senior Fire Officer 1 Zolarz Realo, mag-aalas-12:00 ng hatinggabi ng mai-report sa kanila ang insidente, dahil kabilang sa upland barangays ng bayan at gawa pa sa light materials ang bahay, wala ng naisalba pa ang awtoridad pagdating sa lugar.

Tinataya namang aabot sa P20,000.00 ang iniwang pinsala ng sunog. Kaugnay nito, nanawagan ang BFP sa publiko na agad ipaalam sa kanila ang mga ganitong insidente upang agad nilang maapula ang sunog kaysa ang unahin pa ang pagla-live sa Facebook.