Patatagin ang kahusayan: P1.5 bilyon para sa pagsasanay ng mga guro sa ‘Matatag’ curriculum, aprubado na ng Senado

Kasama na sa P5.768-trilyong- General Appropriations Bill for 2024 ang alokasyon para sa Matatag K to 10 curriculum.

Inaprubahan na ng Senate Committee on Finance ang P1.5-bilyong alokasyon para sa pagsasanay ng mga guro sa “Matatag” K to 10 curriculum.

“One of our most important recommendations is for our teachers’ training for the Matatag curriculum, which will train more or less 200,000 teachers,” paliwanag ni Sen. Sherwin Gatchalian, na chairperson ng Committee on Basic Education.

Ang Matatag K to 10 curriculum ay unang inilunsad ng Department of Education noong Agosto 10, at ipatutupad simula Academic Year 2024–2025. Layon nitong tugunan ang mga problema ng naunang K to 12 curriculum, kabilang “cognitive demand imbalance” at mga kulang na learning competency.

Sa isang news release, sinabi ni Gatchalian na kasama na sa P5.768-trilyong- General Appropriations Bill for 2024 ang alokasyon para sa Matatag K to 10 curriculum.