Pastor Quiboloy payagan sa virtual na hearing – Robin Padilla

Umapela si Senador Robin Padilla ngayong Huwebes na payagan sa virtual na Senate hearing si Pastor Apollo Quiboloy.

Umapela si Senador Robin Padilla ngayong Huwebes na payagan sa virtual na Senate hearing si Pastor Apollo Quiboloy.

Ito ang sagot ni Padilla sa pahayag ni Senadora Risa Hontiveros na dapat pisikal na dumalo si Quiboloy sa pagdinig.

“Kung mapapayagan sana. Sana magkaintindihan, kasi ang nag-uusap…ay ang kumite ni Senator Risa at ang legal [team] ni [Quiboloy]. Silang dalawa ang nag-uusap e. Sana magkasundo sila na yung… sinasabi nila virtual, online, ganon,” saad ni Padilla.

“Siguro, para sa akin, baka pwedeng i-offer ‘yon. Silang dalawa na ang mag-usap kasi hindi ko pa naman nakakausap si Pastor. Hindi ako abogado ni Pastor. Ako ay isang senador na pina-iiral ko kung ano ang nasa procedure ng rules ng Senate,” dagdag pa niya.

Paliwanag pa ni Padilla, ang mga kapwa niya senador na sina Nancy Binay, JV Ejercito, at Lito Lapid ay bukas na payagan si Quiboloy sa virtual na pagdinig.

Wala pang dinadaluhan na Senate hearing si Quiboloy. Kamakailan ay naglabas ng show cause order ang Senado upang pagpaliwanagin ang pastor sa kanyang pag-isnab sa kanilang subpoena.