Pastillas na naman ito? ‘Escort service’ scam sa mga paliparan, ibinunyag ng DOJ

Sa modus na ito, aalukin diumano ng mga personnnel ng Bureau of Immigration ang mga foreign nationals ng escort service na nagkakahalagang P10,000 hanggang P20,000 upang makapasok sa bansa ng walang aberya.

Nadiskubre ng Department of Justice ang tinatawag nitong escort service scam sa mga paliparan sa bansa.

Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, pinaiimbesitahan niya na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing scam, kung saan mag-aalok diumano ng escort service ang mga tauhan ng Bureau of Immigration sa mga dayuhan para walang aberya sa pagpasok nila sa Pilipinas.

Nagkakahalaga umano ng P10,000 hanggang P20,000 ang nasabing “serbisyo” na kadalasan raw inaalok sa mga Chinese nationals.

“I cannot give any details yet but we are looking at a big scheme, that is as big as the ‘pastillas’ that may be happening now in the airports,” saad ni Remulla sa isang press briefing.

Binalaan naman ni Remulla ang mga opisyal ng BI na iwasan ang mga modus sa airport.