Paslit na mag-aaral, nabundol ng kotse habang tumatawid

Hindi napansin ng bata ang kotse dahil sa nakaharang na service ng Tabaco LGU sa may tawiran.

TABACO CITY – Sugatan ang isang mag-aaral ng Mayon Elementary School sa Brgy. Buang matapos na mabangga ng isang pribadong kotse 2:30 ng hapon nitong Oktubre 4, 2023.

Sa ulat, patawid na sana sa kalsada ang biktimang si Justin Ibaya, 7, na galing sa paaralan subalit dahil sa isang nakaparadang service ng LGU Tabaco, hindi nito napansin ang paparating na sasakyan kaya nauwi sa naturang aksidente.

Naiulat din na agad na narespondehan ang biktima dahil sa mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) na naghahatid ng tubig sa Mayon evacuees.

Ayon naman sa isang opisyal sa barangay, bago pa ang pagkakaaksidente ni Justin, una nang sinabihan ng isang tanod ang driver ng service vehicle ng LGU na umalis na sa lugar dahil uwian na ng mga mag-aaral at wala ito sa tamang paradahan. May nagmamando rin daw ng trapiko taliwas sa mga kumakalat na impormasyon na walang tanod sa lugar.

Sa ngayon, nagpapagaling sa ospital ang biktima.