Pasensya pa more! PSA: Supplier ng National ID cards, kailangan ng 1 taon para habulin ang backlog

Isang taon lang ang kailangan ng supplier ng Philippine Statistics Authority (PSA) para makumpleto ang printed National ID cards ng 81 milyong nagparehistro sa PhilSys.

Aabot sa isang taon para makumpleto ang pagbahagi ng physical cards ng National ID, ayon sa pinuno ng Philippine Statistics Authority (PSA)

Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, nakakahabol na ang supplier na nagpi-print ng National ID sa mga nakarehistrong Pilipino.

Umabot na ang bilang ng mga nakapag-rehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) sa 81 milyon o 81% ng kabuuang populasyon na may edad 5 pataas. Mula sa bilang ng mga nagparehistro, 39.7 milyon pa lang ang nakakatanggap ng kanilang physical National ID card, habang ang natitirang bilang ay nabigyan lamang ng papel o yung ePhilID.

Paliwanag ni Mapa, nagkaroon ng backlog sa imprenta dahil kaya lang ng supplier maglimbag ng hanggang 80,000 kada araw. Sumipa ang bilang ng rehistro simula 2021 nang umabot sa 250,000 ang nagpaparehistro kada araw.

“‘Yung adjustment is really to increase the capacity of the printer, so parang you have more volume in the registration, but the printer capacity was pegged at about 80,000. So that is the catch-up plan that we are actually talking with the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP),” sinabi ni Mapa sa Senado kung saan dinidinig ang kanilang budget para sa susunod na taon.

“Based on their schedule as presented to us, they will clear everything by September of 2024,” aniya.

Umaasa ang PSA na maabot ang bilang ng mga magrerehistro sa PhilSys ng 101 milyon katao pagdating ng 2024.