Pasaway sa putukan! 2 pulis, 2 sundalo, sangkot sa iligal na pagputok ng baril–PNP

Apat sa anim na insidente ay kinasasangkutan ng dalawang pulis at dalawang sundalo, at arestado rin kalaunan. Kumpiskado na rin ang mga baril nila, at nahaharap sa patung-patong na kaso, ayon sa mga awtoridad.

Nakapagtala ng ang Philippine National Police (PNP) ng anim na insidente ng illegal discharge of firearms hanggang Disyembre 25. Kabilang rito ang isang sugatang lalaki na tinamaaan ng umano’y ligaw na bala.

Sinabi ni Col. Jean Fajardo, acting OIC ng PNP Public Information Office, na apat sa anim na insidente ay kinasasangkutan ng dalawang pulis at dalawang sundalo.

“Doon sa dalawang kaso wherein may dalawang pulis na na-involve, ‘yung isa ay accidental firing ng kanyang sariling baril,” saad ni Fajardo. “’Yung isa ay problema sa pamilya na una natin nai-report.”

“May mga sigalot na nakasangkutan” naman raw ang dalawang sundalong sangkot.

Arestado na ang apat at kumpiskado na rin ang mga baril nila. Nakatakdang kasuhan rin ng mga awtoridad ang mga suspek.

Samantala, isang 19-anyos na lalaki naman ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala. Hindi pa matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril, na tatlong beses pa raw ginawa.