Pasado, with flying colors pa! Walang confidential funds ang Kamara, pasado pa sa COA audit ang paggastos — House official

Sa huling ulat ng Commission on Audit, wala itong nakitang paggastos na dapat sitahin, ayon sa isang opisyal ng Kamara.

Kinatigan ng Kamara ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat “transparent at fully auditable” ang gastusin ng mababang kapulungan, ayon sa isang opisyal.

Sa isang pahayag, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na sang-ayon ang pamunuan ng Kamara sa kuro-kuro ng dating pangulo na dapat masisilip ng sinuman kung paano ginagastos ng ahensya ang pondo nito.

“The House of Representatives, under the leadership of Speaker Martin G. Romualdez, is in agreement with former President Rodrigo Roa Duterte that government expenditures should be transparent and fully auditable,” paliwanag ni Velasco.

Iginiit pa ni Velasco na walang confidential at intelligence funds ang Kamara, salungat sa kumakalat na tsismis sa social media.

“All line items in our budget are subject to regular accounting and auditing rules and regulations. Laging bukas po ang aming libro sa Commission on Audit,” saad ni Velasco.

Sa katunayan, ayon sa kahuli-hulihang ulat ng Commission on Audit noong Oktubre 2, hindi nito sinita ang Kamara ukol sa mga gastos nito, dagdag pa ni Velasco.

“As per latest COA report released only last October 2, the House of Representatives has no disallowances. No notice of suspension and no notice of charge,” ayon sa opisyal.

“Ibig pong sabihin, pasado kami sa COA audit,” ani Velasco.