Parang sadya na: DICT, iniimbestigahan ang diumano’y data breach sa DOST

Una nang nabiktima ng cyberattack ang PhilHealth, at kasunod naman ang PSA. Ngayon naman, iniimbestigahan ng DICT kung nabiktima nga rin ba ng data breach ang DOST gaya ng PSA.

Tila nadadalas ang cyberattack sa mga kawani ng gobyerno matapos ang diumano’y data breach sa OneExpert portal ng Department of Science and Technology.

Isa ito sa mga kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Information and Communication Technology (DICT), na tinanggalan ng Kamara kamakailan lang ng confidential funds.

“Hindi pa tayo sure. Ang mahirap kasi nahahalo-halo na ang mga istorya,” sambit ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy tungkol sa data leak umano sa DOST.

Paliwanag niya, may una nang naiulat noong Agosto tungkol sa posibleng cyber incident sa ahensya.

Kamakailan naman ay may nai-post umanong datos galing DOST sa Facebook. Kasalukuyan namang bineberipika ng DICT kung sa DOST nga galing ang mga nai-post na datos.