Parang pelikula lang! Gitgitan sa kalsada ng dalawang tsuper, nauwi sa matinding suntukan

Nagsuntukan sa Mandaue City, Cebu ang dalawang tsuper matapos magkagitgitan sa kalsada at magkahamunan.

Nagsuntukan sa Mandaue City, Cebu ang dalawang tsuper nitong Huwebes, Enero 25, matapos magkagitgitinan sa kalsada.

Ayon sa imbestigasyon ng Mandaue City Traffic Office, nagsimula ang maaksiyong tagpo nang magkagitgitan ang isang taxi driver at isang drayber ng trak.

Sapul naman sa video ng isang saksi ang mga sumunod na nangyari.

Kita sa kuha na nakahinto na ang taxi habang nakatayo sa gilid nito ang drayber ng trak. Bukas rin ang pinto ng taxi, na biglang kumaripas ng takbo.

Hinabol naman ito ng drayber ng trak, na nakasampa pa sa gilid ng taxi at pilit na hinila palabas ang tsuper nito. Dito na pinaghahampas ng drayber ng trak ang taxi driver.

Pero ayon na rin sa Mandaue City Traffic Office, nagkausap rin ang dalawa matapos ang maaksiyong tagpo nila at napagkasunduang wala nang asuntuhang magaganap.