Parang David and Goliath! ‘Pinas mananaig sa agawan sa WPS – Marcos

Pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang China na hindi dapat nito maliitin ang Pilipinas sa gitna ng mainit na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Sa panayam ng SBS Filipino, inihalintulad ni Marcos ang isyu ng Pilipinas at China sa bakbakang David at Goliath sa bibliya.

“That is a David and Goliath situation,” anang pangulo.

“I also remind them, David won.”

Gayunman, batid ni Marcos na maaayos ang problema sa WPS kung magtutulungan ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

“I hold out a great deal of hope for ASEAN being the main actor in solving the problems that we are seeing now,” dagdag pa ni Marcos. “None of us can fix this, resolve this on our own… we really have to come together as a group and have to adjust to the regional super power actions that are being undertaken.”

Patuloy ang China sa pang-aangkin sa WPS na malinaw na sakop ng Pilipinas, sang-ayon sa 2016 arbitral ruling.

Nitong Martes ay dalawang insidente ng pambu-bully ang ginawa ng mga barko ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa WPS. Matapos ito ay hiniling ng Department of Foreign Affairs sa mga dayuhan na lisanin agad ang Ayungin Shoal.