Para sa mga magsasaka: Design at prototyping center para sa makinaryang pang-agrikultura, inilunsad ng DA

Inaasahan ng Department of Agriculture na magiging sentro ng modernisasyon ng agrikultura ang Agricultural Machinery Design and Prototyping Center, na makakapagbigay sa mga magsasaka ng moderno at makabagong kagamitan para sa pagsasaka.

Pinasinayaan na ng Department of Agriculture (DA) ang Agricultural Machinery Design and Prototyping Center (AMDPC) na layong bigyan ang mga magsasakang Pilipino ng mura at gawang-Pinoy na makinaryang pang-agrikultura.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagbubukas ng AMDPC na itinayo sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa Muñoz, Nueva Ecija. Ito ang kauna-unahang design at prototyping center sa bansa na pang-agrikultura.

“This multi-million-dollar, state-of-the-art facility can revolutionize the way we see agricultural machinery production today. With modern fabrication equipment and top engineering design and simulation software, what more can we not do, what more efficient machines can we not produce,” paliwanag ni Laurel.

Itinayo ang AMDPC sa halagang P370.545 milyon, at P289 milyon dito ay pinondohan ng Korea International Cooperation Agency. Nagbigay rin ng suporta sa proyekto ang Korea Institute for Development Strategy at ang Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative.

“I can imagine this center as the realization of ideas and a birthing place of solutions to improve the way we farm or fish today through the machines that can be improved and produced in this facility,” saad ni Laurel, na pinasalamatan rin ang Korea sa pagtulong sa bansa.