Para sa kalikasan, pampaliit rin ng tiyan: DOH, isusulong ang bike advocacy laban sa lumalalang polusyon

Isusulong ng Department of Health ang mga bike advocacy bilang bahagi ng sustainable transportation upang matugunan ang problema sa lumalalang polusyon sa bansa.

Naaalarma ang mga health experts matapos mapalibutan ang Metro Manila ng smog—isang patunay sa lumalalang polusyon sa bansa—nitong Setyembre 7–8.

Partikular na naalarma ang Department of Health (DOH), na siya namang naghahanap ngayon ng mga proactive na mga hakbangin upang tugunan ang problema ng polusyon at isulong ang mas malinis na hangin, lalo na sa mga siyudad gaya ng Metro Manila.

Kabilang sa mga hakbanging ito, ayon sa DOH ay ang pagpapatupad ng National Bike Day at iba pang mga kahalintulad na adbokasiya.

“Mayroon kaming pina-plano, magkakaroon tayo ng bike advocacy, we will have a National Bike Day and we will advocate for everyone to have biking once a day to work. Pati ako magba-bike, papunta akong Quezon City to my office, isasama ko kayo (media), mag bike din kayo,” pahayag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa isang panayam sa ginawang 1st Philippine National AIDS Council (PNAC) HIV Summit sa Pasay City noong Biyernes, Setyembre 8.

Paliwanag ni Herbosa, ang naturang bike advocacy ay alinsunod sa mga pandaigdigang programa na naglalayong bawasan ang polusyon at pagandahin ang estado ng public health sa pamamagitan ng sustainable transporation gaya nang pagbibisikleta.