Para sa kaibigan! Villar kinontra pag-aresto kay Pastor Quiboloy

Alang-alang sa pagkakaibigan ay pumirma si Senadora Cynthia Villar sa dokumento na naglalayong kontrahin ang pag-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.

“Pumirma na ako kahapon,” pahayag ni Villar.

Ani Villar, nagtataka siya sa pandidikdik ni Senadora Risa Hontiveros kay Quiboloy.

“Kaibigan ko si Pastor Quiboloy. Mabait siya sa aming pamilya at nagtataka ako dyan sa case na yan, kaya medyo hindi ako masyadong naniniwala dyan sa case na yan,” dagdag pa ng mambabatas.

Noong Martes ay hiniling ni Hontiveros na ipa-cite for contempt na si Quiboloy matapos nitong dedmahin ang subpoena ng Senado. Nais ni Hontiveros na harapin ni Quiboloy ang reklamo ng pang-aabuso ng mga dati umanong miyembro ng KOJC.

Si Senador Robin Padilla ang unang nagpahayag ng pagkontra sa pag-aresto kay Quiboloy. Sinegundahan naman ito ni Senadora Imee Marcos at ngayo’y sinusuportahan na rin ni Villar.