Para-paraan muna: Pagbaba ng toll fees para sa agricultural trucks, isinusulong ng pamahalaan

Hiniling na ng pamahalaan sa mga tollway concessionaires at operator na babaan ang toll para sa mga trak na nagdadala ng mga produktong pang-agrikulturo bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga ito.

Bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng produktong pang-agrikultura gaya ng bigas at kamatis, inanunsyo ng Department of Finance (DOF) na hiniling na nito sa mga tollway concessionaires at operators na tanggalin o suspendihin muna ang dagdag na bayad sa toll para sa mga trak na nagdadala ng mga nasabing produkto.

Paliwanag ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno, ang pag-exempt ng mga trak sa pagbabayad ng toll ay isa sa mga hakbang ng pamahalaan ni Ferdinand R. Marcos upang matugunan ang mataas na halaga ng sariwang ani, prutas, at gulay—partikular na ang bigas.

“Our recommendation is cooperation from tollway concessionaires and operators, [but] this is only for the increase in toll. This is not mandatory. We are just pleading,” pahayag ni Diokno sa reporters noong Biyernes, Setyembre 9, sa Chat with SBED.

Sinabi namann ni Finance Undersecretary Zeno Ronald R. Abenoja na may mga private concessionaires nang pumayag sa nasabing mungkahi kahit pinag-aaralan pa lamang ito.

“They are just trying to define the guidelines on how to identify these delivery trucks,” sambit ni Abenoja.