Para masigurong may sapat na suplay: PBBM, pinahaba ang pagbaba sa taripa ng piling produktong pang-agrikultura

Inirekomenda ng mga economic manager ng pamahalaan ang pagpapalawig ng mas mababang taripa bilang tugon sa mga maaaring maging epekto ng El Niño sa presyo ng produktong pang-agrikultura.

Inanunsyo ng National Economic and Development Authority (NEDA) na pinahaba pa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pansamantalang pagbaba sa taripa ng mga mahahahalagang produktong pang-agrikultura.

Ito ay upang maibsan ang maaaring maging epekto ng El Niño sa presyo ng mga bilihin.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan, pumayag na ang Malacañang sa pagpapababa ng taripa sa most favored nation (MFN) agriculture commodities, kabilang na ang karneng baboy, mais, at bigas sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 10.

Ito ay tatagal hanggang Disyembre 31, 2024.

BASAHIN RINMainam nang maagap: Task force kontra El Niño, pinabubuo na ni PBBM upang maibsan ang mapanirang epekto nito

“The proposed extension of reduced tariffs will help ensure an adequate supply of agricultural commodities and maintain stable and affordable prices, thereby better managing potential inflationary pressures,” paliwanag ni Balisacan.

Magtatapos na sana ang bisa ng EO 10 sa Disyembre 31, 2023, subalit inirekomenda ng mga economic manager ng pamahalaan, kabilang si Baliscan, ang pagpapalawig nito ng isang taon pa.

Sa ilalim ng EO No. 10, 15–25% ang taripa sa karneng baboy depende sa dami nito, samantalang 15–35% naman sa mais at bigas.