Para mapabilis ang pagbangon: Pagpapasaayos ng Marawi, pinapapaspasan na ni PBBM

Pitong taon na ang nakalipas matapos ang tinaguriang Siege of Marawi, subalit hindi pa rin nakakabangon ang siyudad sa epekto ng giyera. Kaya naman naglabas na ang pangulo ng direktiba na layong pabilisin ang pagpapasaayos ng Marawi.

Ganap na tungkulin na ng pamahalaan ang pagpapasaayos ng Marawi City sa Mindanao matapos ibaba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order (AO) No. 14.

Sa ilalim nito, inatasan ng pangulo ang lahat ng ahensiyang may kinalaman sa pagpapasaayos ng Marawi na pabilisin ang mga proyekto at inisyatiba upang maisaayos na ang siyudad na matinding napinsala ng giyera ng militar at mga teroristang Islamic State noong 2017.

Ayon rin sa AO No. 14, na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Disyembre 22, may kaniya-kaniyang toka ang mga ahensiya ng gobyerno:

• Department of the Interior and Local Government – Panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa Marawi.

• Department of Human Settlements and Urban Development – Pangasiwaan ang pagpapatayo ng mga housing projects para sa mga residente.

• Department of Public Works and Highways – Pangasiwaan ang pagpapaayos ng mga public utility gaya ng kuryente at tubig at ang pagpapagawa ng mga imprastraktura gaya ng mga daan.

• Department of Health at Department of Social Welfare and Development – Siguraduhing matatanggap ng mga residente ang kanilang basic needs gaya ng pagkain at serbisyong pangkalusugan.

• Department of Trade and Industry – Palakasin ang ekonomiya ng Marawi.

Binigyang-diini rin ng AO 14 ang tungkulin ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) bilang tagapangasiwa sa pagbangon ng siyudad.