Para makahikayat pa ng mamumuhunan sa bansa: Repaso sa CREATE Act, lusot na sa kumite ng Kamara

Layon ng Reinvigorating the Economy bill, na pagandahin at ayusin ang tax incentives system ng bansa upang mahikayat ang mga kumpanya na mamuhunan dito sa Pilipinas.

Inaprubahan na ng House of Representatives Ways and Means Committee nitong Martes, Nobyembre 21 ang isang panukalang batas na mag-aamyenda sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Ang panukalang ito, na tinawag na Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) bill, ay naglalayong pagandahin at ayusin ang tax incentives system ng bansa upang mahikayat ang mga kumpanya na mamuhunan dito sa Pilipinas.

Sa ilalim ng panukalang ito, ang income tax rate ng mga korporasyon sa bansa, lokal man o banyaga, ay itataya sa 20 porsiyente kung makakabilang sila sa enhanced deductions regime sa ilalim ng Section 294(C) ng panukalang batas.

BASAHIN RIN: Tatapusin agad sa utos ni PBBM: Mga pagbabago sa CREATE, aaprubahan ng Kamara ngayong Nobyembre — solon

Mabigigyan rin sila ng iba’t ibang tax break o tax deduction, kabilang na ang mga tax deduction sa mga gastos na may kinalaman sa research and development, training, at enerhiya.

Layon rin ng panukalang batas na mas pabilisin at padaliin ang tax refund system para sa mga registered business enterprises upang maisaayos ang VAT refund process.