Para magkaalaman na: Travel expense ni Speaker Romualdez, P4.3 milyon lang, hindi P1.8 bilyon

Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco ng P4.3 milyon lang ang travel expense ni House Speaker Martin Romualdez—na wala pa sa kalahati ng P1.8 bilyon na ibinalita ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Nilinaw ni House Secretary General Reginald Velasco sa hearing ng House Committee on Legislative Franchises na P4.3 milyon lamang ang travel expenses ng Office of the Speaker—hindi P1.8 bilyon gaya ng ibinalita ng Sonshine Media Network International (SMNI).

“For the Office of the Speaker, these are the staff members of the Speaker who accompany him in all his foreign trips, the total expenses of the Office of the Speaker from January to October this year is P4,347,712,” saad ni Velasco.

Ayon rin kay Velasco, ang kabuuang travel expenses ng Kamara, kasama na ang House Secretariat, sa parehong panahon ay P35.25 million.

“The total for all, Office of the Speaker, and the House secretariat, and members of the Congress, who go on official trips (is) PHP39,605,123.61,” aniya.

Dahil sa paratang ng SMNI, iniimbestigahan na ito ng Kamara upang matukoy kung paglabag sa prangkisa nito ang pagpapakalat ng fake news.

Natukoy rin sa pagdinig ng Kamara na may maaaring lumabag ang SMNI sa mga panuntunan ng National Telecommunications Commission (NTC) at Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP).

Partikular na iniimbestigahan ng KBP ang pagpayag ng SMNI na umere ang kanilang mga anchor na sina Jeffrey Celiz at dating Undersecretary Lorraine Badoy na hindi sumailalim sa accreditation ng organisasyon.