Para iwas init mga bata: PBBM planong ibalik sa Hunyo simula ng klase

Iniisip ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na ibalik tuwing Hunyo ang pagsisimula ng klase sa Pilipinas.

Iniisip ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibalik tuwing Hunyo ang pagsisimula ng klase sa Pilipinas.

Ito ay matapos ang sunod-sunod na suspensyo ng mga klase dulot ng sobrang init ng panahon sa ilang bahagi ng bansa.

Ito ang ipinahayag ng Pangulo sa isinagawang Bagong Pilipinas Town Hall Meeting on Traffic Concerns sa San Juan City.

“Sa aming palagay baka mahirapan pa tayo. Ngunit hangga’t may paraan ay gagawan natin ng paraan para mapaaga at mabilis ang pagbalik sa normal na schedule ng mga bata,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Hangga’t maari gusto nating ibalik sa dati. Dahil, I think, medyo may consensus na talaga na mas maganda ‘yung dating schedule kaya’t hindi naman sinasabi na hindi natin gagawin before next year, or the year after that. Susubukan naming gawin,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na ang init na nararanasan sa bansa ay dulot ng epekto ng pagbabago ng klima.