Paparating na rin ang dagdag pondo niyo, mga ser! WesCom, walang tigil sa pagmasid, pagpatrol sa West Philippine Sea

Tuloy-tuloy lang ang pagpapatrolya at pagmamasid ng Hukbong Sandatahan sa West Philippine Sea upang itaboy ang mga banyagang nagpupunta sa karagatan ng Pilipinas nang walang pahintulot mula sa gobyerno.

Matagumpay ang ginawang pagpatrol at pagmasid ng missile frigate na BRP Antonio Luna (FF-151) kamakailan, ayon sa Philippine Navy (PN)

Mismong hepe ng Western Command na si Vice Admiral Alberto Carlos ang nanguna sa patrolya, at dumaong pa sa mga okupadong isla tulad ng Pagasa, Parola, Likas, at Lawak noong Setyembre 22, ayon sa Facebook post ng PN.

Ginarantiyahan ng Navy na tuloy-tuloy ang pagpapatrolya nito sa West Philippine Sea upang magmasid at alamin kung mayroong mga dayuhang nagpupunta sa mga karagatang sakop ng Pilipinas nang walang paalam.

Hindi na binaggit ng PN kung gaano kadalas at kailan ang mga patrolya dahil sa seguridad ng mga manlalayag na Pilipino.

Nagpasalamat si Carlos sa tropa ng military sa mga isla dahil sa kanilang dedikasyong tuparin ang tungkulin kahit na mahirap at mapanganib ito.

“Your dedication and commitment are truly commendable, embodying the strength and resolve of our nation,” sinabi ni Carlos.

Sinabi ng opisyal na sisiguruhin ng Hukbong Sandatahan na mayroon silang sapat na kagamitan at supply upang matupad nila ang kanilang tungkulin sa bayan.