Papababain pa ‘yan! Gagawin ng pamahalaan ang lahat para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bilihin — PBBM

Nangako ang pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumaba sa 3.9 porsiyento ang headline inflation ng bansa noong Disyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Kaugnay niyan ay nangako ang pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Natutuwa akong ibalita na bumaba pa ang inflation rate sa bansa noong Disyembre 2023 sa 3.9 percent—ang pinakamababa noong nakaraang taon, mula sa 4.1 percent para sa Nobyembre 2023,” saad ni Marcos sa isang post sa X (dating Twitter).

Aniya, patuloy ang pagpupursigi ng kaniyang administrasyon upang mas mapalago pa ang ekonomiya at panatilihing abot-kaya ang presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin.

“Para sa bagong taon, lalo nating palalakasin ang mga programa para sa agrikultura, at tututukan ang mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” ani Marcos.