Pansamantalang taas-pasahe, nakakasa na, ayon sa LTFRB

Kasado na ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Teofilo Guadiz ang provisional increase sa pamasahe sa jeep, subalit tatalakayin pa ng NEDA kung magkano ang magiging dagdag-singil.

Nakatakdang magbaba ng provisional jeepney fare increase ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bago matapos ang taon kasunod na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Matatandaan rin na hiniling na ng mga transport groups ang naturang provisional increase habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang kanilang petisyon sa dagdag pasahe.

Nilinaw naman ni LTFRB chair Teofilo Guadiz sa isang pahayag nitong Biyernes, Setyembre 16, na hindi pa napagkasunduan ng ahensya kung magkano ang pansamantalang taas-pasahe dahil kailangan pa itong ikonsulta sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Ito ay dahil makakaapekto ang anumang fare hike sa ekonomiya ng bansa, paliwanag na rin ni Guadiz.

“We have to consult NEDA. Is it P1? Is it 50 centavos? But definitely, there will be a provisional increase. The issue now is how much and when,” pahayag ni Guadiz.

Umaasa naman si Guadiz na maipapatupad na ang provisional increase sa Nobyembre.

Kaugnay nito, tatalakayin na rin ng LTFRB ang mga petisyon ng transport groups na ganap nang taasan ang pamasahe sa jeep.