Pangangampanya bawal pa, paalala ng Comelec; mga lalabag, i-report dapat ng publiko

Pinaalalahanan ng Comelec at PNP ang mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na bawal pang mangampanya, samantalang hinimok nila ang publiko na i-report ang mga lalabag sa patakaran ukol sa premature campaigning.

Pinaalala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na bawal pa mangampanya dahil sa susunod na buwan pa ang campaign period na itinakda.

Kaugnay rito, hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na ipagbigay alam sa pinakamalapit na pulisya ang mga kaso ng premature campaigning.

Paalala pa ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ang campaign period na itinakda ng Comelec para sa parating na BSKE ay mula Oktubre 19 pa hanggang Oktubre 28.

Tiniyak naman ni Fajardo na tutugunan nila ang mga reklamo sa premature campaigning alinsunod na rin sa mga patakaran at guidance ng Comelec.

Kaugnay rito, pinaalalahanan naman ni Fajardo ang mga politiko at kandidato na sundin ang mga rules at regulations ng Comelec patungkol sa BSKE, gaya nang pagbabawal sa vote-buying at vote-selling.

Matatandaang pina-igting na ng komisyon ang umiiral na gun ban, pati na rin ang mga checkpoint and border control measures upang mapiligilan ang election-related violence.