Panawagan ng DOH sa magulang: Kung pwede, huwag nang isama sa sementeryo ang mga bata

Payo ng Department of Health sa mga magulang ngayong Undas, iwan na lamang ang mga bata sa bahay kung maaari upang maiwasan ang aksidente o anumang aberya na maaaring mangyari dahil sa dami ng tao sa mga sementeryo.

Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na iwan na lamang nila sa bahay ang mga bata, lalo ang mga sanggol, kesa isama sila sa sementeryo para sa paggunita sa Undas.

“I am advising parents and caregivers not to bring small children to cemeteries as overcrowding and intense heat and sudden unexpected downpour may cause diseases to small children,” panawagan ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa sa isang pahayag.

Inaasahan ng pamahalaan ang pagdagsa ng tao sa mga sementeryo ngayong Nobyembre 1 at 2, kung kaya naman nagpakalat na ang Bureau of Fire Protection ng mga Emergency Medical Services personnel nito.

Kaugnay nito, pinaalala rin ng DOH na bagaman nakalampas na ang pandemya, andiyan pa rin ang panganib ng COVID-19, na mas makakaapekto aniya sa mga bata dahil mayroon silang “low resistance against infections.”