Pamilya ng mga nasugatan, namatay na sundalo sa Guinobatan, naktanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno – Zaldy Co

Nagpasalamat ang mga pamilya ng sundalo kay Rep. Zaldy Co sa tulong na ipinaabot nito sa kanila.

LIGAO CITY – Nabigyan ng cash assistance ng Ako Bicol PartyList sa pangunguna ni Congressman Zaldy Co at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang pitong miyembro ng 49th Infantry Battalion Philippine Army (49th IB PA) na nakabase sa naturang lungsod nitong Lunes, Setyembre 25, 2023.

Ang mga benepisyaryo ay ang mga sundalong nasagutan at namatay sa nangyaring engkwentro sa Barangay Catomag, Guinobatan, Albay noong August 13, 2023.

Isa sa mga nakatanggap ng cash assistance ay ang dependent ng yumaong si PFC Jan Jazzi Abriol na si Colleen Ramos.

Aniya, malaking tulong sa kanilang pamilya ang P50,000.00 na ibinigay ng kongresista at ng naturang ahensya.

Ayon naman sa executive officer ng nasabing battalion na si Maj. Rigor Borja, nagpapasalamat siya na kinikilala ng kongresista ang kanilang sakripisyo lalo na ang kanilang kampanya kontra sa mga rebeldeng grupo.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang natanggap nila ng kanyang mga kasamahan.

Samantala, P25,000.00 naman ang natanggap ni 1st Lt. Ian Bernabe, P15,000.00 naman kay Sgt. Jerome Pacer, Cpl. Marlon Omandam, Cpl. Juland Rubio, Cpl. John Ronel Balane at Pvt. Jonathan Dolores na nasagutan dahil sa naturang engkwentro.