Pambubudol sa isang shop ng motor sa Lagonoy, Camarines Sur, sapul sa CCTV

Bagaman na-aktuhan ang suspek sa pambubudol, kasalukuyan pa ring tinutugis ito ng mga awtoridad.

CAMARINES SUR – Nahuli sa CCTV video ang pambubudol sa isang motor shop sa Barangay San Rafael, Lagonoy, Camarines Sur.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang ginawang panloloko ng suspek sa tindera kung saan nagpanggap pa itong bibili ng spray paint sa motorsiklo.

Pasado alas-2:25 ng hapon nitong Martes, Oktubre 10 nang mangyari ang pambubudol kung saan makikita rin sa CCTV nang maibigay na ng tindera ang spray paint sa lalaki, sinabi umano ng suspek na hindi iyon ang hinahanap nitong brand kaya hiningi nito ang perang ipinambayad.

Makaraang maibigay na ng tindera ang pera, makikitang isinukbit ng suspek ang P500.00 sa kanang bulsa nito, at kinuha naman ang P20.00 sa kaliwang bulsa nito habang hindi nakatingin ang tindera sabay sabing mali ang naibigay sa kanya ng tindera, at nang muling inabutan ng tindera ng P500.00 ay dali-daling umalis ang suspek.

Ayon sa Lagonoy Municipal Police Station (MPS), patuloy pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa pangyayari upang makilala ang suspek at mapatawan ng kasong swindling.

Pasado alas-4:00 ng hapon nang mai-report umano sa istasyon ng pulisya ang pangyayari kaya hindi na nila agad nahanap ang salarin.

Dahil dito, muling nagpaalala ang awtoridad lalo na sa mga negosyante na laging maging alerto upang maiwasang mabiktima ng mga kawatan.

Samantala, muli namang bumisita ang PNP sa mga business establishments sa bayan upang magbigay ng Safety and Crime Prevention tips.