Pamaskong handog para sa tropa: Libreng concert, itatanghal para sa mga frontliner sa WPS

Ayon sa poster ng naturang concert, libre ito sa mga magdadala ng “gifts and goods for the daily needs of our frontliners.”

Magtatanghal ng isang libreng concert ang mga kilalang musikero ng bansa upang tulungan ang mga frontliners sa West Philippine Sea.

Ang naturang concert ay pangungunahan nina Noel Cabangon at Ebe Dancel, na dalawa sa pinakasikat na OPM artists ng bansa. Ito ay gaganapin sa Nobyembre 29 sa UP Diliman Bahay ng Alumni. Magsisimula ito ng 7:30 p.m.

“Magpa-Pasko na! Gawin nating makahulugan ang ating Pasko. Tara na at magbigay ng aginaldo sa mga frontliners ng West Philippine Sea,” saad ni Cabangon sa isa niyang post sa social media tungkol sa concert.

Nakatakda ring magtanghal ang iba pang mga kilalang OPM artist gaya ng bandang 6Cylemind, Autotelic, at Gracenote at sina Leanne at Naara, Bayang Barrios at ang Naliyagan, Lolita Carbon, Gab Cabangon, at Ena Mori.

Ayon sa poster ng naturang concert, libre ito sa mga magdadala ng “gifts and goods for the daily needs of our frontliners.” Hindi naman tatanggap ng mga cash donations ang mga organizer nito.