Paliwanag mo na lang sa boss mo! Suspek sa road rage incident sa San Jose del Monte, pinagpapaliwanag sa LTO chief

Napagalaman na kawani ng Land Transportation Office (LTO) ang sangkot sa alitan sa kalsada sa San Jose del Monte, Bulacan, na kumalat sa social media kamakailan.

Pinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang isang kawani nitong sangkot sa alitan sa kalsada sa San Jose del Monte, Bulacan kamakailan.

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, inutusan na niya ang LTO-3 regional director para imbestigahan ang kaso, na nakuhanan ng video at kumalat sa social media.

Nakuha sa video ang alitan ng driver ng isang SUV at delivery rider, kung saan kinuha ng driver ng telepono ng rider at tinapon sa kalsada.

Agad dumulog ang rider sa pulis, at natukoy nila ang suspek na si Gregorio Glean. Napagalaman kalaunan na nagtatrabaho si Glean sa LTO bilang administrative aide.

Pinagharap na ng pulis ang suspek at biktima noong Setyembre 14, kung saan humingi ng tawad si Glean sa rider. Ngunit inaasahan pa rin na ipatatawag ang suspek sa LTO Central Office para magpaliwanag.