Palalakasin ang turismo sa Bicolandia: Mambabatas, niluluto ang hot air balloon festival para sa Bicol Loco

Plano ni Ako Bicol Rep. Elizaldy Co na magdaos ng hot air balloon festival sa Bicol upang dayuhin pang lalo ang rehiyon ng mga turista sa loob at labas ng bansa.

May nilulutong bagong pakulo si Ako Bicol Rep. Elizaldy Co para sa pinaplanong Bicol Loco Festival ng local na pamahalaan kasama ang Department of Tourism (DOT).

Plano ni Co na isama sa Bicol Loco Festival ang isang hot air balloon festival na kagaya nang isinasagawa sa Clark, Pampanga at sa Cappadocia sa Turkey.

Kung matutuloy ito, maaaring sumakay sa mga hot air balloon ang mga turistang bibisita sa Bicol sa tatlong araw na Bicol Loco Festival upang masinayan ang angking kagandahan ng lugar. Partikular na makikita ng mga turista ang Bulkang Mayon at ang Karagatang Pasipiko.

Sa katunayan, ibinida na ni Co ang pakulong ito sa kaniyang Facebook page, kung saan nag-post siya ng tatlong artist rendering ng pinaplano niyang hot air balloon festival.

“A hot air balloon ride that overlooks Mayon and the Pacific Ocean? Coming soon through the Bicol Loco Festival!” saad niya sa kaniyang post.

“Excited ka na rin ba para dito?” tanong pa niya.

Bukod pa riyan, marami pang pinaplano si Co, ang DOT, at ang local na pamahalaan ng Bicol, kagaya na lamang ng pagpapailaw sa Bulkang Mayon. Ang Bicol Loco Festival ay nakatakdang ganapin upang mas mapalakas pa ang turismo sa rehiyon.