Pakita mo kung sino ka! Jordan Clarkson, pumukol ng 20 pts sa 3rd Qtr; Gilas, sinopla ang China, 96-75, sa FIBA World Cup

Naitala ng Gilas Pilipinas ang una nitong panala sa FIBA World Cup nang dominahin nito ang China, 96-75, nitong Sabado sa Smart-Araneta Coliseum.

Naitala ng Gilas Pilipinas ang una nitong panala sa FIBA World Cup nang dominahin nito ang China, 96-75, nitong Sabado sa Smart-Araneta Coliseum.

Pinangunahan ni naturalized player at Fil-Am na si Jordan Clarkson ang tropang Pilipinas matapos magtala ng 34 puntos—kabilang ang 20 sunod sa ikatlong yugto ng laban, kung saan umalagwa ang Gilas upang makuha ang 73-50 na kalamangan patungo sa huling 10 minuto ng laro.

Nagpakitang Gilas agad ang koponan ni Chot Reyes, na umiskor ng unang pitong puntos ng laban. Ngunit agad namang nakabawi ang Team Dragon upang maitabla ang laro, 16-16, matapos ang unang sampung minuto. Dikit pa rin ang laban pagdating ng second quarter, kung saan nagpalitan lamang ng puntos ang dalawang koponan.

Nag-init naman nang husto si Clarkson pagdating ng third quarter, samantalang lalong pinag-igting ng Gilas ang depensa nito. Kaya naman nagdomina ang pambansang koponan upang makalayo na ng husto. Hindi na rin nagawang makahabol pa ng China pagdating ng huling yugto ng laro.

Bukod kay Clarkson, maganda rin ang pinamalas na laro nina Rhenz Abando, Dwight Ramos, at Kai Sotto, na kapwa nagtala nang mahigit 10 puntos.

Dahil sa panalong ito, maaari pa ring maimbitahan ang Gilas para FIBA Olympic Qualifying Tournament, na magdedetermina sa mga koponang makakapasok pa sa 2024 Paris Olympics.

Matapos naman ang laban ay inanunsiyo ni Reyes na siya ay magbibitaw na bilang coach ng Gilas Pilipinas.