Pakibulong naman sa amin, Chairman! Mayor sa Bicol, hinaharang ang proklamasyon sa mga nanalong BSKE kandidato—Comelec

Hindi dapat panghimasukan ng mga lokal na opisyal ang trabaho ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng halalan, kasama na ang pag-proklama ng mga nanalong kandidato, giit ng pinuno ng komisyon.

Binalaan ni Commission on Elections (Comelec) chair George Garcia ang isang opisyal mula sa Bicol region sa pag-antala sa proklamasyon ng mga nanalo sa nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) sa pitong lugar sa kanyang kinasasakupan.

“To our local officials, iilan lang naman, hindi naman ganun karami, hindi makapagproklama ang aming Barangay Board of Canvassers (BBOC) kasi pinakikialaman ng ibang mayors sa bandang Bicol. This is a warning: mayor, kilala mo kung sino ka, huwag mo pilitin na i-name ka namin,” ani Garcia sa isang pulong balitaan.

“Pinapakialaman…huwag na raw muna i-proclaim. Kaya inatasan namin ang regional director [namin] na BBOC should proclaim [the winners] today at all costs. Wala tayong pakialam sa kung sino iyang tumatawag na iyan o nagpepressure kasi baka magalit raw iyong mayor,” dagdag pa ni Garcia.

Hindi dapat panghimasukan ng mga lokal na opisyal ang trabaho ng Comelec na magsagawa ng halalan, kasama na ang pag-proklama ng mga nanalong kandidato dahil lamang natalo ang kanilang mga manok.

“Ibigay niyo sa amin ang trabaho. Trabaho namin iyan eh. Huwag niyo kaming pakialaman. Kung bata niyo iyong natatalo, wala kaming kaming pakialam roon,” sinabi ng Comelec chair.

“Hindi naman kami nagpatalo sa mga bata-bata ninyo,” dagdag pa niya.