Pahinga muna, madlang pipol! Bagong programa, papalit muna sa ‘It’s Showtime’ pansamantala

Pansamantalang may papalit muna sa noontime show na "It's Showtime," na suspendido ng 12 araw ng MTRCB. Ang kahalili diumano ng programa ay pagbibidahan ni Luis Manzano at Long Mejia.

Mayroon na diumanong kahalili ang noontime show na “It’s Showtime” habang hindi muna ito eere sa loob ng 12 araw dahil sa suspensiyong ipinataw rito ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Sabi ng kilalang showbiz reporter na si Cristy Fermin sa kaniyang sariling programang “Cristy Ferminute,” ang magiging kahalili ng “It’s Showtime” ay isa ring noontime variety show na pagbibidahan umano ng batikang host na si Luis Manzano.

Dagdag pa ni Fermin, “It’s Your Lucky Day” raw ang titulo ng programa, na magsisimula sa Oktubre 14 at tatagal hanggang Oktubre 27. Kasama rin daw sa programa ang batikang komedyante na si Long Mejia at ang ibang teen stars ng ABS-CBN Star Magic.