Pagsabog sa Mindanao State University-Marawi, posibleng resbak ng mga terorista—AFP chief

Bago ang pagsabog sa kilalang pamantasan, nakaranas ng sunud-sunod na pagkatalo ang mga teroristang grupo na nakabase sa Mindanao, at ang mga pagkatalong ay maaaring naging mitsa ng pag ganti ng mga talunan.

Isa sa sinisilip na anggulo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa likod ng pagsabog sa Mindanao State University sa Marawi City ay ang sunod-sunod na matagumpay na operasyon ng militar laban sa mga teroristang grupong nakabase sa Mindanao.

“So, tinitingnan po namin ‘yung anggulo na ito dahil sa mga sunod-sunod na operation natin against the terrorist groups in the whole of Western Mindanao, dito sa Maguindanao, sa Lanao, and dito sa Basilan. Maaaring retaliatory attack ‘yung nangyari kaninang umaga, so that is one angle we are looking into,” paliwanag ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. sa isang press conference na ginanap sa Office of Civil Defense headquarters sa Quezon City.

Kabilang sa mga operasyong ito, ayon kay Brawner, ay ang sagupaan ng militar at Daulah Islamiya (DI) sa Barangay Mother Tuayan, Datu Hoffer, Maguindanao Del Sur noong Disyembre 1, kung saan 11 miyembro ng grupo, kasama ang lider nitong si Abdullah Sapal, ay napatay.

BASAHIN RIN: 3 patay, higit sa 40 sugatan sa pagsabog sa Mindanao State University-Marawi City

Napatay rin ng tropa si Abu Sayyaf Group leader Sawadjaan (alyas “Mundi”), na sangkot naman sa Jolo Cathedral bombing noong 2019.

“If you recall, Sawadjaan was the mastermind of the Jolo bombings and other terrorist activities in Jolo and also in [other] area(s) of [the] Western Mindanao Command,” ani Brawner.

Inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang militar at kapulisan na tugisin sa lalong madaling panahon ang mga may sala sa nasabing pagsabog.

BASAHIN RIN: Mananagot sila sa batas! PBBM, kinondena ang pagsabog sa Mindanao State University-Marawi City