Paglusaw sa contractual sa gobyerno, hinirit kay PBBM

Inilapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing urgent ang panukalang batas na layong gawing permanent employee na ang mga contractual sa gobyerno.

Inilapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing urgent ang panukalang batas na layong gawing permanent employee na ang mga contractual sa gobyerno.

Ito ang naging concern ni National Anti-Poverty Commission Formal Labor and Migrant Workers Sector Sectoral Representative Edwin Bustillos nang magtungo sa Bagong Pilipinas briefing nitong Miyerkoles.

“Amin ding inabot kanina kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng kanyang aide-de-camp, iyong House Bill 1514 na may kinalaman doon sa equivalency bill na kung saan iyong mga manggagawa doon sa gobyerno na nakapaglingkod na ng tatlong taon at pumasa naman doon sa mga assessments and evaluation ay baka dapat na ring bigyan ng pagkakataong ma-regular,” saad ni Bustillos.

Ang panukalang batas na pinatutungkulan ng labor leader ay ang House Bill 1514, na layuning bigyan ng civil service eligibility at gawing permanente na ang posisyon ng mga contractual employee sa gobyerno.

“Ito ay subject pa doon sa deliberasyon ng Kongreso, kaya ang aming hiling kay Pangulong Marcos Jr. ay i-certify itong batas na ito,” dagdag ni Bustillos.