Pagkuha ng fighter jets, kalagayan sa West Philippine Sea tinalakay ng AFP, Swedish envoy

Nagpulong nitong Setyembre 8 sina AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. at Sweden Ambassador Annika Thunborg ukol sa plano ng bansa na makakuha ng mult-role fighter jets at sa mga hakbangin upang mapanatili ang kaayusan sa West Philippine Sea.

Tinalakay nitong Biyernes, Setyembre 8, nina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. at Sweden Ambassador Annika Thunborg ang plano ng bansa na makakuha ng multi-role fighters (MRFs) mula sa Sweden pati na rin ang mga pangyayari sa West Philippine Sea (WPS).

Ang Saab JAS-39 “Gripen” ng Sweden ay isa sa dalawang MRF model na tinitignan ng AFP bukod sa Lockheed Martin F-16V “Viper” ng Estados Unidos.

“The CSAFP (Chief of Staff AFP) and Ambassador Thunborg discussed the acquisition of multi-role fighters and the recent developments in the West Philippine Sea. The Ambassador likewise expressed that Sweden stands firmly behind the Philippines in the protection of its territory and territorial integrity as well as the international rules-based order and the 2016 Arbitral Award,” pag-uulat ni AFP public affairs office chief Lt. Col. Enrico Gil Ileto sa isang pahayag.

Sa parehong pagpupulong, na naganap sa AFP Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City, tinalakay rin nina Ambassador Thunborg at Gen. Brawner ang modernization ng AFP at malaking papel ng mga bansang gaya ng Sweden upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa WPS.