Pagkamatay ng 3 mangingisda sa Bajo de Masinloc, nakakapanlumo–Zaldy Co

Siniguro ni Co na makakatanggap ng tulong mula sa mga gobyerno ang mga naulilang pamilya.

LEGAZPI CITY – Hiniling ni Ako Bicol Party List Rep. Elizaldy Co sa national government ang malalim na imbestigasyon sa pagkamatay ng tatlong (3) mangingisda sa Bajo de Masinloc na bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Ito ang binigyang diin ni Co kasabay ng kaniyang pagkondena sa naturang insidente nitong Lunes, October 2, 2023.

Ayon sa kongresista, kailangang mabigyan ng hustisya ang mga namatay na mangingisda at mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng insidente.

Iginiit pa ni Co, maaaring hindi sinadya ng Oil Tanker Vessel o ng Pacific Anna ang pagkakabangga sa sasakyang pandagat ng mga biktima subalit maituturing na isang krimen ang basta na lamang pag-iwan sa mga Pilipinong mangingisda na walang buhay at palutang-lutang sa dagat matapos ang umano’y aksidente.

Sinabi rin ni Co na ang ginawa ng Pacific Anna sa mga mangingisda ay hindi maaaring palagpasin na hindi nila pagbabayaran.

Siniguro naman ni Co na makakatanggap ng tulong sa gobyerno ang mga pamilyang naiwan ng mga biktima at ang mabilis na hustisya.

Ang Bajo De Masinloc ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na matagal nang pinakukuhanan ng isda ng mga mangingisdang Pilipino.