Pagholdap sa estudyante sa Ligao City, na-aktuhan sa bidyo

Bagaman may ebidensya sa bidyo, inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng suspek, ayon sa mga awtoridad.

ALBAY – Nakunan sa cellphone video ng isang estudyante sa Ligao City ang tangkang pagho-holdap sa kanya at panunutok pa ng kutsilyo ng isang suspek.

Sa impormasyon, pauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay Layon subalit pagdating sa eskinita sa Purok 4, Imperial Subdivision ng naturang barangay ay nakaabang na pala ang suspek.

Nabatid ding galing sa paaralan sa Guinobatan ang 14-anyos na biktimang maswerteng nakatakas sa holdaper matapos na makita ng isang residente ang panunutok ng suspek at sitahin ito.

Ayon kay barangay kagawad Cesar Abetria, may lead na rin sila sa kung sino ang suspek na tinutugis na ng pulisya.

Aniya, naniniwala sila na ito rin ang mga nasa likod ng mga naunaang insidente ng pangho-holdap sa kanilang lugar.