Paggamit sa electronic driver’s license, tampok sa malawakang info drive ng LTO

Ikinakasa ng Land Transportation Office (LTO) ang isang malawakang information campaign tungkol sa paggamit ng electronic driver’s license.

Binabalak ng Land Transportation Office (LTO) na maglunsad ng isang informational campaign sa mga motorista sa paggamit ng electronic driver’s license bilang alternatibo sa karaniwang plastic card.

Paliwanag ni LTO chief Vigor D. Mendoza II, kinukunsidera ito ng pamunuan matapos ang problema ng ahensiya sa supply ng plastic cards matapos ang paghabla ng isang natalong bidder sa kanila.

“It needs a lot of information drive kasi di pa alam ng ating mga motorista kung paano ia-apply etong electronic licenses. We’re putting together an entire plan of action para mas lumawak ito,” ayon kay Mendoza.

“We’re doing our staff work on this, making sure that, once we implement this, everything on the back end ay maayos na. Meron pa kaming konting mga coordination na kailangan gawin, at tyaka information campaign eventually, for electronic licenses given that they will push forward,” dagdag pa niya.

Pinigil ng korte sa pamamagitan ng isang temporary restraining order ang LTO sa pagtanggap ng plastic card supply mula sa highest bidder nila matapos maghabla ang natalong bidder dahil sa diumanong “kakulangan sa transparency” mula sa ahensiya.

Sagot ng Department of Transportation sa paratang na diskwalipikado ang lowest bidder dahil sa mga delays na naranasan ng ibang mga ahensiya ng gobyerno sa kanilang mga naging transaksyon dati.