Pagdagsa ng mga biyahero sa Legazpi City bus terminal, ramdam na

Posibleng manumbalik ang dagsa ng pasahero sa mga terminal pagsapit ng Christmas rush.

ALBAY – Posibleng mas mararamdaman pa ang pagdagsa ng mga byaherong papalabas ng Lungsod ng Legazpi hanggang sa weekend at posibleng dagsain din ng mga babalik o papauwing mga byahero ilang araw bago ang kapaskuhan at bagong taon.

Ayon kay Benzon Balinbing na galing Barangay Batan, Rapu-Rapu, Albay, inagahan niya at ng kanyang pamilya ang pagpunta ng Legaazpi City Grand Terminal para makabili agad ng ticket pabalik ng Metro Manila.

Noong Oktubre 29 nang makauwi sila ng isla para makaboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at para na rin mabisita ang puntod ng kanilang namaalam na kapamilya.

Inaasahan na rin nila ang pagdagsa ng mga biyahero kaya mas mabuti nang maging maaga.

Pumapatak sa 825 hanggang 1,400 ang pamasahe sa airconditioned at ordinary bus papuntang National Capital Region (NCR). May 20 percent discount naman sa pamasahe ang mga estudyante, Persons with Disabilities (PWD), at senior citizen.