Pagasa: Asahang mainit na, maalinsangan pa ang mga susunod na araw

Magiging mainit at maalinsangan ang panahon sa Luzon at Visayas, ayon sa Pagasa, subalit magiging maulap at maulan naman sa Mindanao dahil sa isang Intertropical Convergence Zone.

Makakaasa ang mga taga Luzon at Visayas ng hot at humid weather sa mga susunod na araw, ayon sa huling anunisyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Setyembre 17.

Ayon sa Pagasa, magiging mainit at maalinsangan sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila, at sa Visayas. Gayunpaman, nagbabala pa rin ang ahensiya na may mga posibilidad pa rin ng mga pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, magiging maulap naman sa Mindanao, ayon sa Pagasa, gawa sa namataan nitong Intertropical Convergence Zone (ITCZ)—o ang pagtatagpo ng hanging mula sa Northern at Southern Hemispheres. Dahil dito ay makakaasa ang mga taga-Mindanao ng mga thunderstorms.

“Makikita natin dito sa ating latest satellite images itong mga kaulapan sa southern portion ng ating bansa partikular na sa Mindanao area,” pag-uulat ni PAGASA weather specialist Daniel James E. Villamil.

Bagaman may ITCZ sa Mindanao, wala namang Low Pressure Area sa loob o labas ng Philippine Area of Responsibility.