Pag-uusapan kaya ang fugitive na nagtatago sa kanilang bansa? Pangulo ng Timor-Leste, nagtungo sa Maynila para sa state visit kay PBBM

Maraming inaasahang usapin na matatalakay sa bilateral meeting ng mga lider ng Pilipinas at Timor-Leste na gagawin sa Palasyo sa Biyernes, Nobyembre 10.

Dumating na sa bansa si Timor-Leste President José Ramos-Horta noong Miyerkules, Nobyembre 8, para sa kanyang state visit na naglalayong palakasin pa ang ugnayan ng kanyang bansa sa Pilipinas.

Sinalubong si Ramos-Horta nina Philippine Ambassador to the Democratic Republic of Timor-Leste Belinda Ante at Manila International Airport Authority Assistant General Manager Manuel Gonzales sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Una nang nagpahayag ng suporta ng bansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Timor-Leste sa isinagawang bilateral meeting noong Mayo habang ginanap ang ika-42 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia.

“In the Philippines, you have a partner. We have always been supportive,” sinabi ng Pangulo kay Timor-Leste Prime Minister Taur Matan Ruak.

Inaasahang tatalakayin sa pulong ng mga lider sa Biyernes, Nobyembre 10, ang mga aspeto ng kooperasyon gaya ng teknikal, politikal, edukasyon, at ekonomiya

Kasama sa pulong ang mga kagawaran gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Justice (DOJ), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).