‘Pag mukhang budol, tiyak na budol na yarn! GMA artists Mikee Quintos, Paul Salas, nawalan ng P8-M sa crypto scam

Maliban sa mga talent ng Sparkle GMA Artist Center, may pitong iba pang biktima ang Cronus Holdings Corp. sa kaduda-dudang investment scam na gamit ang cryptocurrency.

Nagsampa ng reklamong estafa sa piskalya ng Makati City sina Mikee Quintos at Paul Salas laban sa diumanong cryptocurrency group matapos itakbo ang P8 milyon na inilagak na puhunan ng magkasintahan.

Maliban sa dalawang talent ng Sparkle GMA Artist Center, may pito pang ibang biktima ang naghain ng kaparehong reklamo laban sa Cronus Holdings Corp. kung saan diumanong nahikayat maglagak ng puhunan para sa cryptocurrency.

Inireklamo sa piskal ang mga tumatayong kinatawan ng kumpanya na sina John David del Castillo Ortiz, Margarita Ortiz-Tan, Ralph Francisco Torres Delfin Hernandez Villaruel Jr. at Julian Vincent Ortanez Parado.

Ayon sa abogado nina Quintos at Salas na si Lance Tan, nasa early 20s ang edad ng mga inireklamo.

“This is syndicated estafa so this is life imprisonment. So sayang din naman. This is no bail. Like I said, sayang din naman, kawawa din naman sila, mga bata pa sila,” ani Tan.

Giit ng abogado na bukas pa rin sa pakikipag-usap ang kanyang mga kliyente sa mga inirereklamo.

Papadalhan rin ng sulat ng abogado ang mga eskwelahan kung saan diumanong nag-aaral ang mga inireklamo upang malaman ng mga awtoridad doon ang pangyayari.

“Initially, we just want to let the school know. And then we’ll let the school act on it kung papaano ‘yung appropriate na sanctions (as to what sanctions) or actions that they’re going to take,” paliwanag ni Tan.

Ayon kay Mikee, napapaniwala sila ng grupo na maglagak ng puhunan dahil sa nakaka-enganyong proposal.

“I think that’s their modus din na aalagaan ka muna nila, papaniwalain ka nila na okay ‘yung transactions with them until when you give a sufficient amount na or big amount na — more or less P8 million ‘yung nakuha nila sa amin, eh — tinakbo na nila,” ani Mikee.

Binigyan pa sila ng dalawang option ng mga kinatawan ng kumpanya.

“The first was compounding monthly [of] 5% kung magkano ‘yung ipapasok mo. Depende sa iyo ‘yun. May ledgers pa and everything,” dagdag pa ni Mikee.

“Tapos doon sa short term ‘yun nga ‘yung deal na kinuwento ni Paul na two weeks lang ‘yung holding time, babalik na. Eh, dumating na ‘yung two weeks, delay, delay, delay. We gave them a chance na mag-revert sa amin pero wala talaga,” aniya.