‘Pag ICC umeksena: Duterte magagaya kay Teves – Trillanes

Sigurado si dating senador Antonio Trillanes IV na matutulad kay dating Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. si ex-president Rodrigo Duterte sa oras na ipaaresto siya ng International Criminal Court (ICC).

Sigurado si dating senador Antonio Trillanes IV na matutulad kay dating Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. si ex-president Rodrigo Duterte sa oras na ipaaresto siya ng International Criminal Court (ICC).

Si Teves ay nadakip sa tulong ng International Police (Interpol) sa bansang East Timor nitong Huwebes. Wanted si Teves sa kaugnayan umano nito sa pagpaslang kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo noong nakaraang taon.

Samantala, nakikita ni Trillanes na sa kamay din ng Interpol babagsak si Duterte sa oras na ipahuli siya ng ICC dahil sa madugo nitong war on drugs noong kasagsagan ng kanyang administrasyon.

“Ang pag-aresto kay Teves sa tulong ng Interpol at Timor Leste police force ay magiging halimbawa kung papano aarestuhin si Duterte kapag lumabas na ang kanyang ICC warrant at kapag padadaanin din ito sa Interpol,” saad ni Trillanes sa kanyang post sa X (dating Twitter) ngayong Biyernes.

“Ito ay obligation ng isang member State ng Interpol gaya ng Pilipinas. Gaya ng ginawa kay Teves, nung ibinaba ng Interpol ang ‘red notice’ o international warrant of arrest nya sa Timor Leste police, hindi ito nagquestion ng validity of the red notice kundi hinuli agad si Teves,” dagdag pa niya.

Samantala, ilang linggo lang ang nakararaan ay nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.