Padilla pinasusuko na si Quiboloy

Nag-iba na ang tono ni Sen. Robin Padilla hinggil sa mga reklamong kinahaharap ni Pastor Apollo Quiboloy.

Nag-iba na ang tono ni Sen. Robin Padilla hinggil sa mga reklamong kinahaharap ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ngayong Lunes, nanawagan si Padilla sa pastor na sumuko na sa mga awtoridad. Aniya, ito’y dahil naisampa na sa korte ang kanyang mga kaso.

“Yan naman po lagi ang ating panawagan sa ating mahal na kaibigan at compatriot, kay Pastor Quiboloy na tutal ito ay nasa korte na. Mas maganda po sana na makapagpakita na siya,” wika ng senador.

“Kasi sa court po, yan ay di maimpluwensyahan yan ng tinatawag nating politically motivated cases. Kasi alam natin ang ganitong bagay hindi natin maiwasan na magkaroon ng kulay pulitika,” dagdag pa niya.

Matatandaang kinontra ni Padilla ang panawagan ni Sen. Risa Hontiveros na ipatawag si Quiboloy para sa Senate hearing. Dumalo rin si Padilla sa prayer rally para sa pastor noong nakaraang buwan.

Sa kabila nito, umaasa si Padilla na hindi mauuwi sa dahas ang pagtugis kay Quiboloy.

“Kung anuman ang mangyari, sumurrender man si Pastor o mahuli sana walang karahasan na mangyari,” aniya.