Pabaya pala kasi: PhilHealth, aminadong expired ang antivirus nang tamaang ng Medusa ransomware

Wala palang matibay na antivirus ang PhilHealth nang tamaan ito ng Medusa ransomware noong Setyembre dahil expired na pala ang subscription nito.

Inamin ng Philippine Health and Insurance Corp. (PhilHealth) na expired na ang antivirus subscription nito nang tamaan ng Medusa ransomware.

Kinumpirma ito ng PhilHealth mismo sa isang ulat sa “24 Oras” nitong Lunes, Oktubre 9.

Ayon kay PhilHealth Corporate Affairs Group OIC Rey T. Baleña, Abrill 15 pa lang ay expired na ang naturang subscription, subalit hindi ito na-renew agad dahil aniya sa mga komplikadong procurement process ng pamahalaan.

“In-eradicate po ‘yun pong virus at ito ang mga nire-ready natin para magamit na ulit ng ating mga kasamahan. So, hindi naman lahat ng workstation ay napasok,” paliwanag ni Baleña.

Dagdag pa niya, may pansamantalang antivirus na ang PhilHealth, na tinamaan ng Medusa ransomware noong Setyembre 22.

Iginiit naman ng ahensiya na hindi ito nagbayad ng ransom para maibalik online ang mga online systems nito.