Pabahay para sa Pilipino: PCUP, buo ang suporta sa housing project ng DHSUD

Ipinabatid ng Presidential Commission for the Urban Poor ang pagsuporta nito sa proyekto ng Department of Human Settlements and Urban Development na Pambansang Pabahay para sa Pilipino.

Suportado ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang proyekto ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH).

Nauna nang nakipagpulong si DHSUD Secretary Jose Rizalito Acuzar sa iba’t ibang cause-oriented na organisasyon at mga urban poor groups upang talakayin ang 4PH at kunin ang kanilang mga suhestiyon at feedback.

Pinahayag ng PCUP ang suporta nito sa 4PH sa pamamagitan ng isang Facebook post ni Commissioner Andre Niccolo Tayag.

“Sa ‘whole-of-government approach’ ang ating pagtutulungan bilang ahensya, kabilang sa key shelter, ay mapapababa kung hindi man lahat ang lumolobong bilang ng informal settlers sa bansa,” paliwanag ni Tayag sa nasabing post.

Ang pagsuportang ito ay kasunod na rin ng panawagan ni Acuzar na kailangang magtulungan ng mga iba’t ibang ahensya at sangay ng pamahalaan upang matugunan ang kakulangang 6.5 milyong housing units ng bansa.

Tiniyak naman ni Acuzar na ang nasabing programa ay pro-poor at idinisenyo upang maiangat ang kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino, partikular ang mga informal settler families.