Paano pipigilan kung inside job pala! Empleyado ng NAIA, sangkot diumano sa human trafficking

Ginamit diumano ng empleyedo ng airport ang sariling access pass para i-escort ang dalawang biktima umano ng human trafficking papasok sa NAIA, at dito na naghinala ang mga tauhan ng Bureau of Immigration.

Tila empleyado mismo ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang sangkot sa isang insidente ng human trafficking na nabisto ng Bureau of Immigration (BI) kamaikailan lang.

Kanya naman iniimbestigahan na ng ahensiya, sa tulong na rin ng Manila International Airport Authority at Bureau of Immigration, ang naturangempleyado na diumano’y sangkot sa tangkang pagpuslit sa dalawang hinihinalang biktima ng human trafficking.

Nabisto ng BI ang modus sa NAIA Terminal 3 noong Disyembre 22 pa, matapos isalang ang dalawa sa ikalawang inspeksiyon. Dito nalaman ng mga tauhan ng ahensiya na walang return ticket ang parehong indibidwal, na unang sinabi na magbabakasyon lamang sila.

Kinalaunan naman ay inamin ng dalawa sa BI na na-recruit silang domestic helper umano sa Dubai sa Facebook.

Sinabi naman ni BI spokesperson Dana Sandoval na naobserbahan ng ahensiya ang naturang empleyado na nakamanman sa dalawang sinasabing biktima ng human trafficking. Sa katunayan, ginamit niya pa diumano ang sariling access pass paran i-escort ang dalawa papasok sa airport.

“Una po dinala sa diplomat lane ito pong mga passengers na ito when they were accosted by our immigration supervisor na pumila sila sa regular counter,” kwento ni Sandoval. “Doon, during their interviews, nakita that there were something doubtful about the purpose of travel ng dalawang passengers. The escort remained sa area, pinipilit manatili sa area at monitor status ng dalawang passengers na kanyang ina-assist.”

Tiniyak naman ni Sandoval na hindi pinapayagan ng BI ang ganitong modus at nangakong iimbestigahan ang naturang empleyado.